Offenbaren (A Philosophical Fiction)

Offenbaren (A Philosophical Fiction)

(Nagwagi ang maikling kuwentong ito ng Unang Parangal sa kauna-unahang Pandayan: Philosophical Fiction Writing Contest na idinaos ng University of the Philippines Kabataang Pilosopo Tasyo noong 2019-2020)

Alam niyang marami ang nanonood, ngunit wala siyang makita ni isa. Ganito pala ang epekto ng sobrang liwanag. Ayos na rin ito. Bawas kaba.

Lumunok ng laway si Offenbaren, saka siya tumingin sa mga host na ‘di rin niya halos maaninag dahil halos mabulag na siya sa pagkakatapat sa kanya ng spotlight.

“Handa ka na ba?” tanong ng isa. Hindi siya sumagot. Sa isip-isip n’ya, wala naman na siyang magagawa, handa man siya o hindi. Tulad nga nitong nangyari sa kanya: naging pambato ng St. Thomas Wing sa Mr. Kasambahay. Sinubukan niyang tumanggi, pero dahil ang tinig daw ng mga tao ay tinig ng Diyos, naririto siya ngayo’t nagpapakabulag sa harap ng spotlight. ‘Di naman niya pinagdudahan ang Diyos. ‘Di nga lang siya sigurado kung tama ang intindi nila sa kasabihan.

public speaking, mic, microphone-3926344.jpg

Naisipan niya ring magtago, pagkat dito naman siya magaling ‘di pa man naisisilang. Ayon sa kwento, pahirapan sa doktor na bantayan ang paglaki niya sa sinapupunan dahil mistulang ayaw niyang magpadetect sa ultrasound. Subalit isa itong pagkakataong hindi na mauulit. At alam niyang malaki ang inaasahan sa kaniya. Bukod sa siya lang ang 4th year sa mga kalahok, ay hindi naman maitatangging isa siya sa mga nangunguna sa kanilang klase. Lagi mang nagtatago ay madalas pa rin siyang pagtiwalaan ng responsibilidad ng mga tagahubog nilang pari. Ang huli’y hindi lang dahil sa kanyang kakayahan kundi sa naiwan na ring tatak ng kanyang dugo. Karamihan sa tagahubog ay naging kasabayan ng tatay niyang dating seminarista, na gumawa ng pangalan sa seminaryo bilang unang Filipinong nagpakadalubhasa sa Pilosopiya ng Alemang si Dietrich von Hildebrand. Kay Offenbaren nagtuloy ang pagtugon na naudlot sa ama – ang magpari at magpakadalubhasa kay von Hildebrand, kahit na aminado siyang ang kabisado lang niya sa huli ay ang mga katuruan nito sa aklat na What is Philosophy. Pundasyon niya sa tesis. Subalit kay Offenbaren, tila hindi sapat na batayan ang mga nabanggit upang siya ang isali rito. Ang pagiging magaling sa isang aspeto ay hindi agad nangangahulugan ng pagiging magaling sa lahat. Maaaring may mga nasasagot siyang tanong o mga nasosolusyunang suliranin, ngunit karamihan sa mga iyon ay dahil na rin sa mga naituro ng karanasan.

Ayon sa tradisyon, dalawang tanong ang ibabato sa kanilang mga kalahok ngayon. Isang hindi seryoso at isang seryoso.


“Kung ang pizza ay bilog, bakit ito inilalagay sa parisukat na kahon?”


Ngayon niya napagtantong hindi pa nga siya handa. Kahit paano naman, sigurado siyang hindi pa ito ang seryosong tanong. Ngunit kailangan na ba niya agad itong gamitan ng pamimilosopiya? Sino ba kasi ang nakaisip na ganito laging dapat tapusin ang taunang Philosophy Week?

“Aaa… Ang pizza na bilog ay inilalagay sa parisukat na kahon kasi po. Aaa. Kasi po, kung hindi ito ilalagay sa kahon, lalanggamin!”
Saglit na tumahimik ang lahat.

“Whoooooo!” biglang basag sa katahimikan ng isa sa mga kaklase niya, beadle ng St. Thomas Wing. Kailangan niyang itaguyod ang ‘di inaasahang sagot ng pambato.

“Offenbaren! Offenbaren! Offenbaren!” hiyaw ng iba pa niyang wingmate. Unti-unti, nakigaya na rin ang iba. Pinilit ngumiti ni Offenbaren. Hindi niya alam kung ano talaga ang sagot, at kung paano sasagutin. Sa isang banda naman ay pakiramdam niyang tama ang sagot niya. May punto naman, a. Sana nga lang ay si Kuya Jhobert ang isa sa mga naanyayahang hurado. Subalit patuloy niyang tinanong ang sarili. “Bakit nga ba? May dahilan, siyempre. Pero hindi ko alam. Praktikal ba? O may kasaysayan? Bakit nga kaya? At bakit ko ba sineseryoso ang tanong na hindi naman seryoso?!”

“Okay, Offenbaren. Pampawala lang ‘yun ng kaba,” putol ng host sa kanyang lakbay-diwa. Tinitigan niya ito habang namumungay ang kanyang mga mata. Inalala niya ang seryosong tanong sa Mr. Kasambahay ng nakaraang taon. Tungkol sa kung ano ang magiging ambag ng mga seminaristang nag-aaral ng Pilosopiya sa pagsugpo ng lumalaganap na popularismo sa mga kabataan. Maganda ang sagot ng nanalo. Ingles pa nga. Pero hindi na niya maalala nang buo. Hindi kasi siya agad nakausad mula sa unang naitanong sa kalahok noon:

“Alin ang mas magastos na birthday celebration, yung taon-taon o yung once a year?”

“ANG TANONG!” ulit ng mga host. Wala nang drum rolls. Kaya’t ramdam ni Offenbaren ang pagpintig ng puso niya. Buong-atensyon siyang nag-abang. “Sana tungkol sa plano ko ang itanong.”

“Offenbaren,” tawag ng isang host na mabilis naman niyang tinitigan.

“Kung ikaw ang sagot, ano ang tanong?”

Saglit siyang natulala. Lalo pang nanlaki ang mga mata niya. Parang ‘di na ramdam ng mga ito ang pagkasilaw mula sa spotlight. Tumingin siya sa taas na parang kabisoteng nag-iisip ng isasagot sa surprised graded recitation. Muli, huminga siya nang malalim. Pagkatapos, pumikit siya. Medyo mahapdi dahil galing siya sa pagkakasilaw. Idiniin niya ang talukap sa pagkakasara nito. Para bang nagsasaliksik siya ng mga natatagong karunungan sa utak niya.

“Inuulit namin, Offenbaren,” muling pagbasag ng mga host sa lakbay-diwa niya.

“Kung ikaw ang sagot, ano ang tanong?” Napadilat na siya ulit.

“Kung ako ang sagot, ano ang tanong?” ulit niya sa isip niya. Isa sa mga naituro sa kanya ng pagiging seminarista ang hindi pagmumura. Mabuti na lang. Kung hindi ay… Ito ba ang seryosong tanong! Napakaraming mas mahahalagang dapat pag-isipan at pag-usapan! Ngunit patuloy siyang nag-isip. Hindi gaya ng naunang tanong, alam niyang may maisasagot siya rito. Hindi ito gaya ng problema ng hugis ng pizza at kahon nito na hindi talaga niya alam ang sagot.
Sa unang tanong, kinakailangang may magturo sa kanya ng sagot. Naghahanap siya ng impormasyon. Pero sa tanong na ito, kailangan pa ba niyang maghanap?

Thank you for that wonderful question!” panimula ni Offenbaren. Hiyawan ang lahat. ‘Di naman siguro masamang gayahin niya ang gawing ito ng mga nasa beauty pageant. Wala namang ganitong violation sa handbook na pwede niyang ikalabas. Maganda na rin itong panlibang lalo’t wala pa siyang sagot. Sinamantala niya ang hiyawan at palakpakan para makapag-isip. Kamangha-mangha ang balintuna na ang sagot sa tanong ay tanong din. Para bang naalala niya ang tagpo kung kailan tinanong ni Pilato si Jesus kung ang huli ba ang Hari ng mga Hudyo. Binalikan ni Jesus ng tanong ang una,

“Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

“Pero iba ito,” agad din niyang pagbawi sa loob-loob niya. “Isa itong tanong na naghahanap din ng tanong.” Patuloy siyang nag-isip pero ‘di niya maarok. “Weirdo! Akala ko, rhetorical question na ang pinakaweirdo sa lahat: ‘Sino pa ba kundi tayo? Kailan pa kundi ngayon?’ Sabagay kung meron ngang mga ganitong naturingang question na hindi naman naghahanap ng impormasyon, masasabi talagang maraming posibilidad ang pagpapakahulugan sa tanong. Alin ngayon sa mga posibilidad na iyon ang isasagot ko?”

Tahimik na, liban sa loob ni Offenbaren. Hinihintay na siya ng lahat. Sa pagkakahimasmas niya, napaantanda siya ng krus. Bilang isang sinasanay sa buhay-panalangin, hindi ito random na
galaw para sa kanya. Isa itong pagkilala sa relasyon ng rason at pananampalataya. “Divine
illumination na lang ang inaasahan ko. Viva San Agustin!” bulong niya pagkaraang mag-antanda.

“Teka! San Agustin! Seeds of truth! May mga punla na ng katotohanan sa akin! Nasa akin ang sagot!”

“Kung ako ang sagot, ano ang tanong?” aniya, na sa wakas ay hindi na sa loob-loob kundi sa mikropono. “Ang pinakapayak na posibilidad ay, ‘Sino ka?’” dugtong niya.

“Whooooo…”

“PERO!” putol niya sa tagataguyod na kaklase’t wing beadle.

“Sino ako? Ako si Offenbaren,” ika niya sa loob-loob uli. Kinukuha ang atensyon ng madla gamit ang pag-aantala. “Offenbaren. To make manifest! Palitawin!” gunita niya sa kahulugan ng pangalang ibinigay sa kanya ng tatay niya. Tila pagkontra sa pagtatago niya noon sa ultrasound.

“Tama! Palitawin!” sa loob-loob niya’y para siyang si Jimmy Neutron na nag-brain blast. “Sabi ni von Hildebrand, kung ang silbi ng agham ay hanapin ang impormasyong wala sa atin, ang sa pilosopiya naman ay palitawin ang nasa atin na ngunit hindi natin maisatitik. Ang hindi ko pa alam versus ang hindi ko pa maipahayag. Oh my Jesus! ‘Galing ba sa sarili mo … o may ibang nagsabi sa iyo…?’”

“Kung Offenbaren ang sagot,” wika niya nang nakamikropono habang itinuturo ang sarili, “ANG TANONG, philosophically, ay…” dugtong niya sa mas malakas na tinig.

“Ano ang tanong?” Tahimik na nag-isip ang kaklase niyang wing beadle ng St. Thomas.

“Dapat na ba akong mag-Whoooooooo?”

“Kuya,” kalabit ng isa sa wing beadle. “Kahit naman ‘di ba nasa loob ng kahon ang pizza, posible pa ring langgamin?”

Ngunit mistulang walang marinig ang wing beadle. Wala rin siyang makita ni isa, alam man niyang marami silang nanonood. Baka kulang sa liwanag.

Carousel Post