Kulangot sa Pader

Kulangot sa pader

Ang tae ay sa inidoro. Ang ihi ay sa urinal. Ang pawis ay sa bimpo. Saan ang kulangot? At ano ang meron sa kulangot? Bakit natin ito ikinahihiya gayong lahat naman tayo ay mayroon nito?

Noong bata pa ako, pinapagalitan ako ni Mama sa tuwing nahuhuli n’ya akong kumakain ng kulangot. Baka raw kasi magkasakit ako o malason. Minsan naman, yung mismong pangungulangot na ang sinisita n’ya. Baka raw kasi pati yung utak ko, masungkit ko na. Dahil doon, itinigil ko na ang pagkain ng kulangot, pero hindi ang mismong pangungulangot. Hindi ko kasi kaya.

Mahirap talagang pigilin dahil hindi naman ito basta libangan lang. Parte na ito ng pag-iral natin. Kakabit na ito ng mga proseso ng katawan natin gaya ng paghinga at pagtibok ng puso. Isa ito sa mga bagay na nagbubuklod sa bawat isa sa atin hindi man natin napapansin. Isa rin ito sa mga bagay na nagbubuklod sa ating mga umiiral ngayon sa mga taong nauna sa atin. Parang pamimilosopiya.   

Ang kulangot ay pamimilosopiya. Lahat tayo ay meron na nito simula’t simula pa ngunit hindi lahat tayo ay nagbibigay ng atensyon dito. Marami sa atin ang hindi ito itinuturing na parte ng buhay. Marami ang kulang sa lalim ng pagtanaw at pagsusuri dito. Kaya kahanga-hanga ang mga may pagpapahalaga sa kulangot nila. Sa kanila ang mga mapapalad na kulangot na hindi lang basta itinuring na dumi.   

Ang pamimilosopiya ay kulangot. Nanggaling ito sa mga bagay na makikita saanman. Nanggaling ito kung saan din tayo nanggaling. Ang pinanggalingang ito ay hindi lugar kundi bagay.       

Kung saan ito nanggaling ay iba sa kung saan ito nagsimula. Malinaw ang pinanggalingan ng kulangot – alikabok. Kahit sabihin pa ng iba na minsan, ang kulangot ay natuyo lang na sipon, parte pa rin ang alikabok sa pagkakabuo nito. 

Ngunit pinagtatalunan pa (nilang mga may pakialam sa kulangot) kung saan ito nagsimula. Maraming nagsasabing nagsimula ang kulangot sa pagsasala ng mga tutyang – ang mga buhok sa ilong. (Hindi ako sigurado kung ito ang eksaktong salin ng cilia sa Tagalog pero ito kasi ang ginagamit ng karamihan.) Nakapanig dito ang marami, lalo na ang agham. Ayon sa kanila, sinasala ng mga tutyang ang mga alikabok, pinagsasama ang mga ito at iyon ang nagiging kulangot. Kung iisipin ay tama naman sila.

Gayunpaman, kung lalaliman ang pag-iisip, masasabing bago pa makarating sa tutyang ay nagkaroon muna ng paglanghap. Ito naman, ayon sa iba, ang totoong pinagsimulan ng kulangot dahil kung wala daw naganap na paglanghap ay walang mga alikabok na masasala ang mga tutyang. Mas may katwiran itong ikalawang argumento ngunit may butas na makikita rito. Hindi naman kasi lahat ng paglanghap ay nagdudulot ng pagkakabuo ng kulangot. Paano kung bibig ang ginamit sa paglanghap ng hangin? Walang tutyang na dadaanan ang hanging may alikabok. Walang mabubuong kulangot. Kaya hanggang ngayon ay malabo pa rin kung saan talaga ito nagsimula. Kung ikaw ba ang tatanungin, saan talaga ito nagsimula? Sa pagtatanong na pinangungunahan naman lagi ng pagkamangha? O sa pagkamangha na hindi naman laging nauuwi sa pagtatanong?   

Minsan ba ay naitanong mo na ang mga tanong na gaya nito sa sarili mo? Kung hindi pa, pahiwatig iyan na wala ka talagang pakialam sa kulangot. At kung ganoon nga, marahil ay hindi mo rin alam ang mga uri ng kulangot. O mas ligtas na sabihin, hindi mo ito pansin.

Ipinangkat ang kulangot sa kung gaano ito kadali o kahirap sungkitin. Merong mga kusa na lang lumalabas kahit ‘di sungkitin. Ito yaong mga sobrang praktikal na naghihintay na lang na maisabuhay mo. Isa sa mga kulangot na ito ay pinangalanang Etika. Meron namang mga basang kulangot na madaling kunin. Marami itong mga teorya na inilalahad pero medyo madali pang ipasok sa isang utak na hindi naman gaanong mulat sa ganoong mga laman. Pasok naman dito ang kulangot na pinangalanang Lohika. Meron namang mga tuyong kulangot na kaya pa namang sungkitin, pero luluha ka na lang dahil sa sobrang sakit. May mga mabubunot kasing mga tutyang kapag sinungkit mo ito. Ito yaong mahirap na talaga pero nakikitaan pa rin naman ng pagiging praktikal. Halimbawa nito ang kulangot na pinangalanang Epistemolohiya. At sa huli ay meron ding mga tila nasa gilid na ng pharynx na kahit isinga nang paulit-ulit ay ayaw pa ring lumabas. Siguro ito yung sinasabi ni Mama na kapag itinuloy ko pang kunin ay baka utak ko na ang masungkit ko. Ito kasi yaong mga hindi na mawari kung paano ba umiral sa mundo, yaong tipo na sisisihin mo kung sino ang nagpasimula. Sa kategoryang ito, pinakasikat ang kulangot na pinangalanang Metapisika.

Sa mga impormasyong nailahad, masasabing hindi laging madali ang mangulangot. At madalas nga ay hindi. Una, wala naman kasi talagang makapagtuturo sa’yo kung paano ito gawin. Busugin ka man ng maraming teorya, kung hindi mo naman isasabuhay ay para ka lang nagbasa ng manwal para malibang. Ikalawa, hindi rin kasi madaling magdesisyon kung gagawin mo ba ito nang mag-isa o may kasama. Kung mag-isa kasi, mas makakapagconcentrate ka. At ito ang ginagawa ng karamihan. Madalas pa nga ay patago para may urbanity. Pero mas masarap kasi kung may mahahanap kang makakasabay, yaong makakapaligsahan mo at makakapahiran mo. Yaong magdudulot sa’yo na maging komportable sa pangungulangot at hindi mahiya. Ngunit isa lang ang tandaan mo kung may kasama ka. Huwag mong ipapadukot sa iba ang kulangot mo. Labag ito sa kautusan ng mga luntiang kayamanan. Walang ibang makasusungkit ng sarili mong kulangot kundi ikaw mismo. Ikaw ang nakakaalam kung nasasapul ba o kung tama ba ang pagbaluktot ng mga daliri sa loob ng ilong. Ikaw dapat ang sumungkit upang lalo mo itong mapahalagahan.

Matapos sungkitin ang kulangot, ano na? Dito ko ipapayo sa iyo ang madalas na sinasabi sa akin ni Mama noong bata pa ako: ‘Wag mo itong kakainin. Dahil kapag kinain mo ito ay para mo na itong inangkin at ipinagdamot sa iba. Isa pa, mapupunta sa’yo ang panganib na magkasakit o malason sa pagkagahaman sa katotohanan.               

Maaari mo naman itong bilugin kung nanaisin mo ngunit hindi mo ito dapat ipitik palayo. Masasayang ito at mawawalan ng dangal. Panghinayangan mo ang oras at enerhiyang ginugol mo para lang masungkit ito. Panghinayangan mo rin ang paglanghap mo at ang pagsasala ng mga tutyang.

Hindi dapat kainin ang kulangot o ipitik ito sa kung saan. Dapat itong ipahid sa pader para makita ng lahat.  Wala ka namang dapat ipag-alala dahil hindi naman ikaw ang unang gagawa nito. Marami na silang mga naglakas-loob na nagpahid kahit maraming nakakakita. Hindi nila pinansin ang pandidiri at hindi pagtanggap ng karamihan. May mga ilan pa nga na hindi tuminag nang ipabakbak sa kanila ng iba ang sariling kulangot. Tularan mo sila. Pumunta ka sa pader at subukan mo ring magpahid at makikita mo ang isang kamangha-manghang larawan – na ang mga unang naipahid na kulangot ay hindi pa rin nabubulok. Makikita mo rin na sa ilalim ng mga unang kulangot na ito ay ang hindi mabilang na kulangot ng iba. Magkakaiba ng hugis pero magkakaugnay.

Kung kinakailangan naman ay maghanap ka ng pader na malinis pa. Kung maaari sana ay yaong kulay puti ang ipinangpinta. Hintayin mo na maraming dumaang tao at ikaw ang maunang magpahid ng kulangot dito. Kung may magpapahid agad kasunod mo na halos kasinlaki ng kulangot mo o mas malaki pa rito, mapalad ka. Pero kung walang magpapahid o kung may magpahid man ay napakaliit lang, maghintay ka. Isipin mo na lang kung gaano katagal naghintay ng kasunod ang kulangot ni Aristotle bago magpahid si Sto. Tomas Aquino ng mas malaking kulangot sa ilalim nito na pinahiran naman sa ilalim ng mga katulad ni Jacques Maritain.

O siguro ‘wag ka nang maghintay ng kasunod dahil baka makamatayan mo lang ito. Hindi naman mabubulok ang kulangot mo kaya’t huwag kang mag-alala. Ang magandang gawin mo matapos mong magpahid ng kulangot sa pader ay ito. Patuloy kang lumanghap gamit ang ilong at hayaan mo ang mga tutyang na gumawa ng susunod na luntiang mga kayamanang ipapahid mo uli sa pader matapos mong sungkitin.  

PHILOSOPHICAL ESSAY RECENT POSTS