Tumbang Preso

Tumbang Preso

ni Mark Joshua Reyes

Tuwing namimili ang nanay ko sa bayan, hindi nawawala ang delata gaya ng sardinas, cornbeef at iba pa. Hindi rin ako nauubusan ng tsinelas dahil madalas ako bilihan ng tatay ko. Madami din naman akong kaibigan kaya pag nagka ayaan maglaro ng tumbang preso, panigurado na nakahanda ako.

Nakapag Laro kana ba ng tumbang preso? Malakas ang kutob ko na kung binabasa mo ito ay nakapag laro ka na ng tumbang preso o kilala din sa tawag na tumbang lata. Naalala mo paba ang mekaniks ng larong ito? Kung hindi ay ipapaalala ko sayo.

Sa paglalaro ng tumbang preso, ang unang bagay na kailangan mo ay ang lata. Ligo, 555, Saba, CDO at Argentina, ito ay ilan lamang sa mga latang ginagamit namin sa tumbang preso at kung minsan naman ay yung malalaking lata ng alaska condensada at fruit cocktail na gamit na gamit kapag magpapasko. Ang pangalawang bagay na kailangan mo ay tsinelas, kumbaga sa gera ang tsinelas ang sandata mo para patumbahin ang lata kung wala kang tsinelas pabili ka sa mama mo. Ang pinakahuli at pinakamahalagang bagay para makapaglaro ka ng tumbang preso ay ang kalaro, kung wala kang kalaro o kaibigan ay maghanap ka at kung hindi ka naman makahanap ng kalaro ay matulog ka na lang sa inyo. 

Ang tumbang preso ay may dalawang klase na manlalaro. Ang unang manlalaro ay ang nagbabantay sa lata na tinatawag na “taya” at ang pangalawang manlalaro ay ang mga batang magpupukol tsinelas. Simple lamang ang mekaniks ng laro, una kailangan bantayan ng taya ang lata at kailangan niya itong mapanatiling nakatayo sa loob ng iginuhit na bilog. 

Ang mga manlalaro naman na may hawak na tsinelas ay ipupukol  ang lahat ng kanilang tsinelas mula sa linya na iginuhit sa lupa hanggang mapatumba ang lata at kung mapatumba naman nila ang lata ay maaari nilang kuhain ang mga tsinelas na kanilang ipinukol ngunit kailangan nilang bumalik sa linya upang hindi mataya. Ang linyang ito ay nagsisilbi nilang safe zone kung saan hindi sila pwedeng tayain ng taya. Oras na sila ay lumabas ng linya at nakatayo ang lata, sila ay maaaring tayain ng taya. 

Ang tumbang preso ay parang pamimilosopiya. Ang lata ay mga ideya na sinusubukan natin tamaan o maintindihan at habang lumalaki ang lata ay humihirap din ang pag intindi dito. Sa pagtuklas natin ng  mga ideya, makakasama natin ang ating mga kalaro na tutulong satin intindihin ang mga ideyang hindi natin maintindihan. Sila ang magpapatumba ng lata para sa atin upang makuha muli natin ang ating mga tsinelas upang makapag patuloy sa pag tuklas. Habang tumatagal sa ating paglalaro ng tumbang preso, tayo ay nagnanais na may matuto pa ng mga bagong kaalaman at ipukol ang tsinelas hanggang matumba ang lata. Sa paglalaro ng tumbang preso ay patuloy tayong alisto at nag-iisip upang maiwasang mataya. Ang pag iisip na ito ay nagpapatunay tayo ay kasali pa sa laro, gaya nga ng sabi ni Rene Descartes “I think, therefore I am.”.

Sa larong tumbang preso ay meron ding ibat ibang klase ng manlalaro. Ang unang manlalaro ay ang takot lumabas ng linya. Pagkatapos niyang ipukol ang lahat ng kanyang tsinelas at hindi ito tumama sa lata ng ideya, natatakot na itong magkamali ulit at dumedepende nalang sa ibang tao, ito ay nagiging hadlang sa kanyang pagkatuto. Ang sumunod na manlalaro ay si “boy sablay”, ito ang manlalarong hindi tumatama ang pinukukol niyang tsinelas sa kadahilanang ayaw niyang tumanggap ng ideya ng iba at gusto na lamang manatili sa kanyang paniniwala.

Sa pamimilosopiya, kailangan natin alisin ang ganitong pag uugali. Kailangan nating tingnan ang mga bagay sa kabuuan at dapat ito ay binigyan natin ng pantay na paghusga. Kailangan natin ng “virtue of emptying” dahil kung wala ito, parsyal na pilosopiya lamang ang ating matututunan at maintindihan. Ang sumunod na na manlalaro ay ang laging naka armor o palaging may nakalagay na tsinelas sa kanyang siko. Ang manlalaro ng ito ay takot madapa at malaman ang katotohanan dahil sabi nga ng iba “truth hurts” pero sa pilosopiya kailangan natin alisin ang ganitong bagay at sa halip ay palitan natin ito ng “truth and heart” kung saan mamahalin natin ang kaalaman at isasabuhay at isinasapuso ang karunungan.

Ang tumbang preso ay masayang laro na nagpapaalala sa atin na ang buhay ay isang proseso ng pagkatuto. Habang tinatamaan natin ang lata at patuloy na natuto, nariyan ang patuloy nating paghahangad na matuto pa dahil sabi nga ni Aristotle,”The more you know,the more you don’t know.” Upang magpatuloy tayo sa ganitong prosesa mahalagang magkaroon tayo ng marami tsinelas at kalaro.

RECENT POSTS