Pilosopiya: Liwanag, Kasagutan, at Dunong

Pilosopiya: Liwanag, Kasagutan, at Dunong


ni Mariah Carla F. Tacsay

Balikan ang pinakauna kung saan,
Ang mundo ay nababalot ng mga hiwaga.

Mayroong kabi-kabilang mga teorya kung paano nga ba nagsimula,
Ang mga bagay-bagay na ito, sino nga ba ang may likha?

Paniniwala’y umiikot sa agham o bibliya

Ngunit walang konkretong pagpapatunay kung alin sa kanila ang tama

Dito pumapasok ang kaisipan ng pilosopiya

Ang pagmamahal sa karunungan na sa kamangmangan, sa ati’y magpapalaya.

Mayroon ba o wala, totoo ba o hindi?

Iyan ang mga katanungang umiiral sa ating mga kaisipan
Kuryosidad, pananaliksik at paghahanap ng kasagutan
Kinakailangan upang mayakap natin ang katotohanan

Mayroong isang estudyanteng itago natin sa pangalang Juan
Nagtataka kung may Diyos nga ba o sadyang diyos-diyosan lamang

Sa kabila ng pananalig sa relihiyong kinagisnan,
Pagdududa pa rin ang sanhi ng kanyang mga katanungan

“Nasaan ang Diyos, bakit hindi natin Siya nakikita?
Kathang-isip lamang ba at pinaniwala lang tayo ng mga Kastila?
Bakit mayroong mundong natatanging may kakayahang magsustento ng buhay?

Takbo ng mundo, sa Diyos nga lang ba nakasalalay?”

Si Juan ay pumasok sa isang leksyon ng Pilosopiya
Limang argumento, sa kanya’y ipinakilala
Mayroong iisang nagsimula, nagpapagana at nagpapatakbo
Siya ang Diyos na tugatog at taluktok ng pagiging perpekto

“Hindi ko nakikita, hindi ako naniniwala.”

Ngunit pagtatanong sa isipan ang siyang nagiging pruweba
Hindi ka naniniwala ngunit sa kuryosidad ay parang naniniwala ka na
Mayroong Diyos, nabubuhay kahit sa iyong pagdududa

Ang pilosopiya ay hindi lamang umiikot sa paniniwala sa Diyos
Bagkus, ito ay isang daan upang lumaya tayo sa kamangmangan nang lubos

Ito ay pinaghalo-halong paglalakbay ng mga kaisipan

Na siyang naglalaan sa atin ng mga katotohanang dapat nating paniwalaan

Ngayon, si Juan ay muling nagtanong, “Gaano kahalaga ang pilosopiya?”
Sagot ng guro’y “Ika’y naliwanagan sa iyong pananampalataya,
Kuryosidad sa mga bagay, pinapayagan kang maglakbay.
Paghahain ng mga kasagutan sa iyong mga katanungan,
Nagbibigay dunong sa iyong pamumuhay.”

Sa bawat pagtatanong, maghanap tayo ng kasagutan
Mga kontradiksyon ay hindi natin maiiwasan
Ang mahalaga’y naghahanap tayo ng dagdag kaalaman
Pinapapalawak natin ang ating karunungan