Pagpapalipad ng Saranggola

Pagpapalipad ng Saranggola

Ni Leona Janelle S. Dela Cruz

Nakapag palipad ka na ba ng isang saranggola? Alam mo ba kung paano ito imaneobra? Kung hindi pa ay halika’t tuturuan kita.

Ang pagpapalipad ng saranggola ay hindi madali. May oras na  malakas ang ihip ng hangin sa himpapawid at may oras naman na ang hangin ay mahina o di kaya ay kalmado. Kung ikaw ay unang beses pa lamang na mag papalipad ng saranggola, dapat mo munang suriin ang hangin kung ito ba ay kakayanin ng iyong saranggola at sinulid. Kung nag iisip ka ng isang lugar na magandang pag paliparan ng saranggola, ang maipapayo ko sayo ay sa bukid – sa bukid kung saan malawak, masarap ang simoy ng hangin at siguradong maraming tulad mo rin ang iyong makaka salamuha na gustong maging matayog ang lipad ng kanilang saranggola.

Kung ang hangin ay masyadong malakas, dapat tantiyado mo ang pag kontrol ng tali nito. Pakawalan ang sinulid kung ang hangin ay maayos at ikidin naman kung sa tingin mong ito ay malalagay sa alanganin. Mahirap humanap ng tiyempo sa unang pag lipad ng iyong saranggola. Maaari kang mag patulong sa isang kaibigan na siya ang mag hagis paitaas nito at maaari rin namang malaya kang tumakbo hawak ang tali ng iyong saranggola habang unti-unting sumasabay ito sa iyong pag takbo paitaas.

Kapag nasa tamang taas na ito ng himpapawid, maaari mo ng unti-unting ilaya ang hawak mong sinulid upang ito ay mas tumaas pa. Ngunit tandaan na ang pagpapalipad ng saranggola ay hindi madali. Hindi dahil matayog ang lipad nito ay dapat ka nang mag paka kampante. Sapagkat, habang tumatayog ang lipad nito ay mas lalong humihirap ang pag kontrol dito. Huwag mong hayaan na pati ang sarili mo ay ma engganyo sa hangin sapagkat maaari mong ikatukso ito upang mas pakawalan pa ang sinulid at hayaan pang tangayin ng hangin ang saranggola. Masaya sa pakiramdam at sa mata ngunit may kaakibat itong lungkot at panghihinayang kung sakaling ang iyong saranggola ay matangay ng hangin o di kaya ay mapigtas ang sinulid na magiging dahilan ng pag bagsak nitong muli sa lupa. Sa sobrang tayog ng pinanggalingan nito ay maaaring hindi mo na masundan ang pagbagsak nito at hindi na malaman pa kung saan ito napadpad. Hindi kailangan na masyadong mataas ang iyong saranggola. Basta’t payapa ang pag suong nito sa hangin ay ayos na. Huwag mong isabay ang iyo sa ibang saranggola na matayog ang lipad sapagkat iba-iba ang yari at laki nito at maaaring ang sayo ay hindi ganoon kalaki at katibay. Sa pag baba naman ng saranggola, dapat ay unti-unti ang pag likom at pag ikid ng sinulid. Dapat ay nakasunod pa rin ito sa hangin at hindi minamadali ng sa gayon ay baon mo pa rin ito sa iyong pag-uwi. 

Ang pamimilosopiya ay parang pagpapalipad rin ng saranggola. Ikaw ang saranggola, sinulid naman ang iyong kuryosidad at ang taas sa himpapawid ang inaasam mong karunungan. Malawak ang himpapawid gaya ng pilosopiya. Marami ang karunungan na maaari mong matutunan at maraming karunungan rin ang kinukubli’t hindi mo pa nalalaman. Huwag mong hayaan na dalin ka ng iyong kuryosidad o sinulid sa taas na hindi mo pa napupuntahan at nararanasan. Ang sobrang kuryosidad ay maaari mong ikapahamak. Dadalhin ka sa tuktok na hindi ka pamilyar at lalagapak ka sa lupa kung sakaling ito ay hindi mo makaya. Tandaan mo ang aking payo, “Hindi kailangan na masyadong mataas ang lipad ng iyong saranggola. Basta’t payapa ang pag suong nito sa hangin ay ayos na.” Katulad rin ito ng karunungan na dapat mong malaman. Habang ikaw ay may nakukuhang karunungan sa iyong pagpapatuloy ay ayos na. Huwag maging sakim sa karunungan sapagkat may nakalaang karunungan para sa iyo sa bawat unti-unti mong pag taas. Yakapin mo ang bawat pag angat sapagkat ito ay may kaakibat na aral at realidad ng buhay. Kung titignan mula sa ibaba, mukang payapa at walang kupas ang lipad ng saranggola ngunit ito ay hirap sa pakikipag sagupa at pakikipag laban sa hangin. Ganito rin ang mamilosopiya. Kailangan mong labanan at matutunang kontrolin ang iyong sarili’t isip upang huwag tuluyang mahulog at maantig sa bawat bagay at nilalamang impormasyon sa ating paligid. Kung ikaw ay may natutunan na sa iyong pag lipad, maging sapat na muna ito sa iyo at magtira para sa iyong sarili. Magpakumbaba at itatak sa isip at puso ang bawat karunungan at karanasan na iyong pinagdaanan. Unti-unti mong ikidin ang sinulid sa iyong pag baba at huwag mag madali ng sa gayon ay sa susunod mong pag lipad, ikaw ay matibay at mas maalam. Baunin mo ang bawat aral at karunungan upang maging  matayog, payapa at mamayagpag ang iyong susunod na paglipad. 

RECENT POSTS