Paghahalaman

Paghahalaman

ni Desserie Joy Magsakay

Ikaw ba ay isang plantito o plantita? Mayroon ka bang ideya paano maghalaman? Oras at tiyaga ang kailangan dito, mayroon din itong tamang proseso upang maisakatuparan. Ang paghahalaman ay magandang libangan at maraming benepisyo, alin dito ay ang pagbibigay kaalaman at kagamitan para sa pang araw-araw. Ngunit paano nga ba mag halaman? Sa anong paraan ito nakapagbibigay impormasyon? Ang paghahalaman ay hindi simpleng pagtanim at pagdilig lamang, ang lahat ng karakteridad ng halaman ay tinitignan upang epektibong makilatis ang nakabubuting paraan upang ito ay mabuhay.  Makinig kang mabuti sapagkat ito ay hindi isang simpleng gawain lamang.  Ang unang dapat gawin ay ang alamin ang lawak ng lugar upang iyong matantya kung gaano karaming halaman ang kaya mong alagaan, mayroong pag-aanalisa ang nagaganap sa proseso na ito, sapagkat kapag hindi sapat ang lugar na iyong paglalagyan ay mamamatay lamang at masasayang ang mga halaman. Ang pangalawa ay alamin mo ang uri ng kapaligiran na mayroon sa iyong lugar, kailangang alamin at busisiin kung ano ang angkop na kapaligiran para sa halaman at ang pangatlo ay ihanda ang mga kagamitan at halaman upang epektibong maisagawa ang paghahalaman. Ang kasunod ay pagtatanim, dito naman ay kinakailangan maging maingat upang hindi masugatan ang ugat. Sa oras na ika’y nakapagtanim na kailangan mo itong masusing alagaan kasama rito ang pagdidilig sa tamang oras, pagbibigay pataba at paglalaan ng oras kung gaano ito katagal maaarawan, dito masusukat ang iyong tiyaga at pasensya. Ngunit kahit gaano mo kaalam ang karakteridad ng halaman ay hindi ito nakasisiguradong mabubuhay na, maraming hadlang at mga sitwasyon ang dapat isaalang-alang. Kung pinaglaanan mo ng pansin at oras ang iyong halaman maaari itong magbunga. 

Parang ganoon rin ang pamimilosopiya, hindi agad-agad nakakahinuha ng sagot at solusyon sa isang bagay. Ito ay ginagamitan ng pag-iisip na hindi lamang batay sa emosyon ng tao. Mayroong sistematikong proseso upang nang sa gayon ay makamit ang sagot sa katanungan o konsepto. Katulad ng paghahalaman hindi maaaring magtanim agad o makamit ang katotohanan kapag hindi mo alam kung gaano kalawak ang magiging sakop ng iyong hinahanap na katotohanan. Kung sa simpleng impormasyon pa lamang ay hindi mo na alam ang gagawin paano ka makakausad? Ano ang patutunguhan ng iyong paghahanap ng katotohanan o sagot? Sa pag-aanalisa ng lugar naman na tatamnan ay parang buhay na ang perspektibo ay hindi lamang nakatukoy sa isang bahagi ng sitwasyon. Malawak ang sakop ng pamimilosopiya kaya naman hindi agad nakakapagbibigay ng espesipikong kasagutan sa mga katanungan. 

Sa paghahanda naman ng halaman ay marapat na alamin ang buong sitwasyon katulad na lamang sa pamimilosopiya na isinasaalang alang-alang ang pag-unawa sa kabuuan ng sitwasyon sa paghahanda na makamit ang katotohanan. Ang sunod ay ihanda ang kagamitan at sarili upang maisagawa ang paghahanap ng katotohanan. Mayroong iba’t ibang paraan at instrumento upang magkaroon ng pangunang hakdbang patungo sa nais na malaman, kailangan lamang nating gamitin ang mga pangunahing impormasyon na ating nakalap. Sa pagtatanim kailangang ingatan ang ugat upang hindi ito makaapekto sa paglaki ng halaman, katulad ng pamimilosopiya na maingat na pinag-iisipan upang hindi mapunta sa kasinungalingan. Kung ang pinagbabatayan at pinagkukunan ng impormasyon ay walang kredibilidad paano natin masasabi na ito’y pamimilosopiya? Sa mga karanasan na ating nalagpasan sa paghahalaman at paghahanap ng katotohanan, mapagkukunan natin ito ng aral o impormasyon, nagkakaroon tayo ng mga mahahalagang ideya o konsepto upang mapabuti ang halaman o sitwasyon. Ito ang magsisilbing pataba para sa halaman at impormasyon naman para sa paghahanap ng katotohanan. Ito ang magiging sustansya na makakatulong upang unti-unting makamit ang katotohanan. Masasabi na ang karanasan ay nagbibigay impormasyon ngunit hindi ito makapagbibigay ng eksaktong sagot. Ang kagandahan nito ay makatutulong pa rin ito upang malaman natin ang susunod na hakbang at maging malapit sa pagkamit ng katotohanan o sagot. 

Ang pamimilosopiya ay hindi natatapos lamang sa isang pagsasaliksik. Ito ay katulad ng halaman na pinaglalaanan ng oras at kadalasan ay ginagamitan ng repleksyon upang lubusang maunawaan at tumatak sa ating puso’t isipan. Marami itong proseso na kailangan ng tiyaga at sipag, at sa prosesong ito tayo ay magiging malapit tayo sa katotohanan na ating pinaghihirapan. Matagal man makuha ang resulta o bunga, hindi mo mapapalago ang halaman kung ito ay iyong dinidiligan lamang kailangan nito ang pataba, sa buhay kailangan mayroong pinagkukunan ng lakas at hindi lamang patuloy na makahon sa tipikal na ikot ng buhay. Sa paghahalaman at pamimilosopiya ay marami kang madidiskubre, imumulat ka nito upang maging malay sa realidad ng buhay. Maraming bagay ang hatid ng pamimilosopiya, maari ito magbunga, magsanga at magbigay ugat sa ating buhay upang ating makamit ang katotohanan sa napakaraming hamon at posibilidad na handog ng buhay. 

Recent posts