I
Bakit parang nandito ako sa isang okasyon,
Kung saan magbigay-saya ang aking misyon
Kung saan nabubuhay ako sa pag agaw ng atensyon
Suot ang malalaking kasuotang nasa kahon.
II
Maraming tao ang nakakakita,
Maraming tao ang napapasaya,
Ganito pala talaga
Pag ngiti ang una nilang nakita.
III
Kung iyong lalapitan ika’y paglalaruan
Kung iyong titignan ika’y pagtatawanan,
Siguro’y hindi nila napagtutuonan
Na may katauhan sa loob na nasasaktan.
IV
Kung minsan nga’y nadarapa,
Hindi dahil sa pagkakamaling nagawa,
Kundi sa bigat ng dala-dala
At hapdi ng nadarama.
V
Hanggang ngayon ako’y umaasa,
Na kalagayan ko sa loob nito’y makita,
Ang tunay na muka na natatakpan ng mascara,
Ang muka na naghahalo ang pawis at luha.
VI
Gustuhin mang sumigaw upang kanilang maalala,
tanggalin man ang maskara nang kanilang makita,
subalit pagtingin nila sayo’y ayaw mong maiba,
Kaya nagtitiis ka at pananatilihin itong nakasara.
VII.
Naisipan mo nabang matanong ng ‘kamusta’
Sa taong may nakangiting maskara
Na laging nagbibigay sa’yo ng saya
Upang maitago ang kanyang mga luha.
VIII
Bakit kaya hindi nila maalintana ‘tong lungkot?
Di mo rin masabi sa kanila dahil sa takot
Ganito pala pag naikahon ka sa loob ng isang
MASKOT
Sem. Rey David Enriquez, Spoken word poetry 2016