;

;

ni Giann R. Reyes


Sigurado, may ilang umaga sa buhay natin na naging kakaiba— iyong babangon tayo hindi para ihanda ang sarili sa pagpasok sa eskwela kundi para lunurin ang sarili sa napaka-gandang araw sa silangan. Kakaiba ito marahil dahil hindi naman tayo tipikal na bumabangon para rito, pakiramdam kasi natin ay wala naman itong kabuluhan. Magtatanghal lang ang araw ng ilang oras sa ating harapan at pagkatapos ay titirik na sa kataas-taasan, hindi naman natin ito magagawang panoorin pa ng matagal dahil bukod sa malayo na ay sobrang sakit na sa mata kung ipipilit pa. Ang tanong ko; sinubukan mo na bang tingnan ang araw sa ibang perspektibo, anggulo at espasyong nakapaloob sa isipin mo? Iyong aksyon at obserbasyon na parang isinusulot mo ang napaka-nipis na sinulid sa napaka-liit na butas ng karayom— oo alam kong mahirap lalo na kapag pasmado ang kamay mo kagaya ko, namumuo pa ang pawis sa ilong at sintido mo dahil ilang oras mo ng sinusubukan ngunit lumilihis lang ito, basang-basa na rin ang dulo ng hibla kaka-dila mo para numipis at mapadali ang akala mo’y simpleng proseso upang maumpisahan ang pananahi.


Ang mga katanungan na unti-unting hinuhukay ang kung ano mang parte sa’tin na nag-iiwan ng malalim at salat na balon, at tayo bilang inhinyero at arkitekto ng sariling diwa ay susubukang hanapin ang konkreto at rasyonal na solusyon upang punuin ang kagutumang naipon sa pagnanasa kahit sa maliliit na kaparaanan. Sa pananahi, mahalang pasensyoso at maingat ang bawat baon ng matulis na karayom sa telang sinusubukang kumpunihin dahil kung hindi, malaki ang posibilidad na matusok ang hintuturo at dumugo ito.

 
Kagaya rin ito ng pamimilosopiya, hindi dapat padalos-dalos, iyong tipong susuungin ang malawak na karagatan kahit humahampas na ang mga naglalakihang agos sa pampang pa lang. May mga pagkakataong kinokonsumo tayo ng iba’t-ibang opinyon, ideolohiya at pananaw na nagdudulot ng pagkalito at pagmamadali— huminga at magmuni-muni, gamitin mo ang malawak na kambas at pinturahan mo ng kahel at asul ang diwa mo upang maglakbay ang liwanag at makapagbigay ng init kagaya ng araw tuwing ala-syete ng umaga. Iwasan mong magpuyos kagaya ng araw tuwing tanghali habang isinasaayos ang konteksto ng kabuuan, masakit sa balat— tularan mo ang paghihintay ng araw sa gitna ng kadiliman, sundin mo ang sistematiko at rasyonal na proseso upang makawala sa dilim at mahanap ang pinaka-kritikal na sagot sa lahat ng tanong. Mahigit apat na bilyon na ang araw, uma-umaga, hindi humihinto sa pagsulpot— gano’n din ang paglitaw ng mga bagong katanungan sa paligid at kaakibat nito ay ang walang humpay na paghahanap ng kasagutan sa mundo.


Naaalala ko noong bata ako, sabi ni Mang Tani sa balita, uulan daw ng mga kometa sa kalangitan sa ganap na ikalabing-isa ng gabi, ang sabi pa naman nila ay pwede akong humiling ng kahit na ano sa bawat isang makikita ko. Musmos lang ako, walang kamuwang-muwang, naghintay ako ngunit ni isa ay walang dumausdos sa taas ng naghihintay kong mga mata. Ngayon, naintindihan ko na. Hindi mapalad ang lokasyon ko para pagtanghalan ng mga sumasayaw na kometa noong gabing iyon, bagkus ay kailangan ko palang tumingala sa iba’t ibang pwesto, lugar at anggulo upang makita liwanag. Madalas ay mailap ang totoo, iyong malapit na at makatwiran ay may lamat pa rin, iyong akala mo’y parating na ngunit nawala pa dahil pumikit ka, iyong kukumpleto na sana sa palaisipan mo ngunit sa kakaibang dahilan ay hindi ito mag-akma.


Sabi ni Claudius Ptolemy, isang dalubbilang at astronomo noong ikalawang siglo. Ang daigdig ay naka-pugad at umiikot ang mga ito sa mundo; ang araw, buwan mga bituin at planeta. Gumamit siya ng matematika at pawang obserbasyon sa teoryang geocentrism. Naniwala ang mga tao sa teoryang ito hanggang ikalabing-anim na siglo ay ipinakilala ni Nicolaus Copernicus ang heliocentrism, kung saan pinatunayan n’ya na ang araw ay malapit sa sentro na napapalibutan ng mundo at iba pang katawan na s’yang umiikot rito sa pamamagitan ng siyentipikong proseso, kagamitan at matematika na sinuportahan ni Kepler at Galileo. Sa kasalukuyan, ito ang totoo at pinaniniwalaan natin. Sa madaling salita, ang pagtuklas ay hindi natatapos. Humakbang si Copernicus gamit ang dunong at sistematikong paraan, lumabas sa sariling mundo upang hanapin ang kasagutan at tingnan ang iba’t-ibang anggulo na maaaring magdala sa dapat at totoo.  To go beyond. Mahalagang libutin ang bawat sulok ng posibleng lokasyon ng posibilidad, hindi darating ito kung patuloy kang uupo sa tabi at titingin lang sa paligid.

Habang ginagawa mo ang Pilosopiya, mahalin mo rin ito— kalakip ang proseso, makabuluhang tanong at sagot. Ituring mo ito bilang nag-iisang palito sa loob ng kahon ng posporo at gamitin mong liwanag tungo sa malawak na posibilidad. Hayaan mong malunod ang sarili sa iba’t-ibang karanasan sa paligid hanggang matanto mo ang espasyong matagal mo ng sinusubukang punuin. Itigil mo na ang pagbabasa, kumilos ka. Dahil hindi darating ang kahulugan sa harap mo habang nakataas ang paa mo sa lamesa, at kung oo; pag-isipan mong muli dahil ang kasagutan na madaling nakuha ay madalas hindi nagtutugma sa mga hinahanap mo.

Recent posts on Philosophical essay