PAGLALABA

Paglalaba

Naranasan mo na bang maibili ka ng magulang mo ng bagong damit? T-shirt, polo, shorts, pantalon o kung anu-ano pang moda ng damit? Ako kasi naranasan ko na ngunit dahil mabait ang magulang ko, ibinili niya ako ng mismong napili ko sa palengke. Pinili, sinuri, inamoy at isinukat ko para di ako magsisi kapag binili. Pagdating sa bahay, muli ko itong sinusuri at hindi muna isusuot hangga’t hindi pa ito nalalabhan. Bakit? Dahil naniniwala ako na makikita ko ang tunay na itsura ng damit kapag ito dumaan na sa isang proseso ng paglilinis.

Siguro naranasan mo narin maglaba? Kung hindi, may ginawa akong ilang proseso ukol sa paglalaba para masamahan kita. pero syempre, bago natin simulan, dapat ihanda muna natin ang ating sarili dahil hindi biro ang maglaba, nakakangawit, at nakakapagod kaya dapat handa tayo.

Hindi natin masisimulan ang paglalaba kung hindi muna tayo kukuha ng tubig. Ito ang ating magiging instrumento upang matanggal ang mga dumi sa damit at makita natin ang tunay na kagandahan nito.  Ang unang proseso ay ang paghihiwalay ng mga puting damit sa de-kolor. Ito ay upang hindi mahawa o mahaluan ng ibang kulay ang mga damit na puti. Ikalawa, gawin natin ang unang banlaw upang mabawasan ang dumi na nakakapit sa damit. Pero depende pa rin sa naglalaba kung gagawin ito dahil para sa akin, mas madaling matanggal ang dumi kung ito ay bibigyan ng paunang banlaw. Pagkatapos nito, ilagay na natin ang damit sa tubig na may sabon na nabibili sa suking tindahan. Ito ang pinakamahirap na bahagi sa proseso ng paglalaba dahil dito mo kakailanganin ng oras, tiyaga at pasensya dahil may mga damit na ang dumi ay mistulang naging mansta kung kaya’t para matanggal ito, kinakailangan itong paglaanan ng oras sa pagkusot at pagpiga upang matanggal ang mga dumi na nababalot sa damit at nakahalo sa tubig. Kung naalis na ang dumi sa damit, maaari na itong banlawan nang dalawang beses. Bakit dalawa? Ito ay upang masigurado na matanggal ang sabon at ang dumi. Sa huli, matapos magawa lahat ng proseso na nabanggit, maari na itong isampay at maghintay hanggang sa tuluyan itong matuyo at muling maisuot.

Parang ganoon din ang proseso sa pamimilosopiya. Una, magkakaroon tayo ng bagong ideya na nagmumula sa ating pagkikilatis sa mga bagay na ating nakikita at nararanasan dito sa mundong punong-puno ng misteryo. Nagkakaroon ng maraming pagtatanong, pagtataka at pag-aalinlangan ngunit ito rin ang magtutulak sa atin upang matagpuan natin ang kasagutan at katotohanan. Sa ating paghahanap, kinakailangan nating munang dumaan sa proseso ng pagsusuri at paglilinis, tulad ng proseso ng paglalaba. Kung wala ka pang ideya tungkol sa prosesong ito ng pamimilosopiya, sasamahan kita para maibahagi ko ito sa iyo.

Tulad ng paglalaba, bago tayo magsimula, kinakailangan na ihanda muna natin ang ating sarili dahil hindi madaling maghanap ng katotohanan sa mga bagay na punong-puno ng kasinungalingan. Maari tayo nitong mailigaw, mapaikot o di kaya’y maimpluwensiyahan ng kasinungalingan kung kaya’t kinakailangan natin itong pag-isipang mabuti at himayin ang bawat detalye tulad ng pagbubukod ng puti sa de-kolor. Pagkatapos nito, maari na nating simulan ang proseso ng paglalaba o paghahanap ng katotohanan. Una, banlawan muna natin ang ideya sa pamamagitan ng tubig na ating nakuha sa mula ating karanasan o bigyan mo muna natin ng paunang linaw ang ating ideya. Tanungin natin ang ating sarili kung makakatulong ang ideyang ito sa paghahanap natin ng mga kasagutan o katotohanan. Kung oo, maaari na nating gawin ang ikalawang hakbang kung saan hahaluan na ito pansamantala ng ibang opinion tulad ng paglalagay ng sabon para mas lalong lumabas ang tunay na sagot at mawala ang mga opinion na sa tingin natin ay nakapagpapagulo lamang sa karamihan. Ang susunod ay ang pagkukusot. Ito ang pinakamahirap ng parte. Dito natin kinakailangang ibuhos ang ating buong lakas at patatagin ang ating pasensya dahil marami tayong makukuhang opinion sa pagkukusot na inaakala natin na tama ngunit sa huli ito ay makakasama. Pag nalampasan na natin ito, kinakailangan na nating maghanda sa huling hakbang, ang pagbabanlaw. Ito ang pagbibigay linaw sa mga katotohanan na hinahanap natin, dito natin makikita ang tunay na kulay ng katotohan.

clothes line, laundry, multicoloured-615962.jpg

Matapos ang mga ito, maari na itong isampay at maghintay ng sa tamang panahon ng pagkatuyo at pagtatak sa iyong isipan ang katotohanan at kasagutan ng mga tanong natin para sa ideya natin na pinaghirapang linisin o labhan. Sa pagdating ng araw nang pagkatuyo, maari na natin itong maisuot at maipakita upang ito ay maging isang karunungan dahil hindi magiging karunungan ang kaalaman kung hindi natin ito ibabahagi sa iba. Dapat natin itong maipapakita o ibahagi sa iba ng walang halong kayabangan sapagkat, oo, maari tayo nitong dalhin pataas ng unti-unti ngunit maari rin itong magbagsak sa atin sa isang saglit.

Sa panahon ngayon, iilan nalamang ang nagbibigay ng oras, panahon at pasensya sa tamang proseso ng paglalaba. Karamihan sa atin ay gumagamit ng mga makina o iba pang teknolohiya upang mapabilis ang prosesong ito tulad ng washing machine. Inaakala ng marami na mas mapapadali sila sa paglalaba o sa pagtuklas ng katotohanan sa pamamagitan nito, ngunit sa aking pagsusuri, hindi gaanong klaro ang resulta ng ganitong paglalaba lalo na kung naghahanap ka ng katotohanan. Bakit? Para sa akin, hindi ito nararapat sa isang namimilosopiya sapagkat mas maiiintindihan natin ang mga katotohanan kung tayo mismo ang maghahanap ng mga kasagutan at ito ay magmumula sa ating mga karanasan.

Lahat ng bagay na gusto nating makamit ay may proseso, minsan mabagal,minsan mabilis, minsan madali, at minsan din naman mahirap pero kahit gaano pa man iyan kabagal at kahirap, isa pa rin ang patutunguhan niyan, ang kaliwanagan sa paghahanap ng katotohanan at lagi nating tandaan ang mga bagay na madali nating nakukuha ay mabilis din nawawala.

“Mahirap talaga ang mamilosopiya. Dito natin mararanasan ang mangawit, magutom at mapagod sa kakaisip sa mga kasagutan, ngunit sa kabila nito, kung susundin natin ang tamang proseso at mananatili tayong masaya rito, magtatagumpay tayo at malalaman natin ang mga sagot sa bawat pagtataka at pagtatanong sa mga bagay na nakita at nararanasan natin. Tulad na lang ng paglalaba kung saan hinahanap natin ang kaliwanagan at katotohanan sa pamamagitan ng ating masusing paglilinis sa ating damit o ideya gamit ang ating karanasan.”


Recent philosophical essays