Bawat Hakbang, Kaakibat ay Paglinang

Bawat Hakbang, Kaakibat ay Paglinang

ni Shaira Grace M. Rodriguez

Pamilyar ka ba sa larong chess? Siguro ay nakapaglaro ka na nito, o di kaya’y nasaksihan mo na kung paano ito laruin. Ngunit kung hindi pa at interisado ka, halika’t hayaan mong tuturuan kita. Bago tayo magsimula, alamin muna natin kung ano nga ba ang laro na aking tinuran.

Ang larong chess ay isang sikat na board game na nilalaro ng dalawang manlalaro na ginagamitan ng isang checkered board na kadalasang nasa kulay ng puti at itim. Layunin ng bawat manlalaro na maunang ma-trap ang “King o Hari” ng bawat isa. Sa paglalaro nito, kinakailangan ng matalas na pag-iisip at pag-iingat, dahil bawat maling galaw o pag-usad ng iyong piyesa, maaring maisahan ka ng iyong kalaban. Bago ka maglaro, dapat mo muna isaisip ang kaakibat na galaw ng bawat piyesa o chess piece. Makatutulong ito upang maisagawa mo nang maayos ang iyong pagkapanalo. Sa kabuuan, mayroong anim na uri ng piyesa ang larong ito, bawat isang uri ay may natatanging galaw o paraan ng pag-usad. Bawat piyesa ay importante, kaya dapat mag-isip ka muna ng malalim bago mo ito hayaang umusad. Sumunod, dapat ay ihanda mo ang set-up ng board kasabay ng paghanda mo sa iyong sarili sa kung ano man ang maging resulta ng laban. Dapat mo rin na bukasan ang iyong isip sa posibleng maging galaw ng iyong kalaro, para mapaghandaan mo ito at makagawa ka ng plano.

composing, ape, photomontage-3827454.jpg

Kung tutuusin, masayang laruin ang chess. Kahit sino ay pwede itong laruin, ano mang edad, kasarian, o estado ng buhay. Basta’t may interest ka at determinasyon, matututo ka kung paano ito isinasagawa at nilalaro. Maihahalintulad natin ito sa paraan ng pamimilosopiya, kung saan importante rin ang matalas na pag-iisip at determinasyon na makatuklas ng iba’t ibang bagay sa ating daigdig. Sa paglalaro ng chess, napalalago natin ang ating abilidad na maging malikhain. Nakabubuo tayo ng mga estratehiya upang ma-trap ang piyesang Hari ng kalaban. Ganoon din sa pamimilosopiya, napalalalim natin ang ating isip ukol sa isang bagay at nakabubuo ng bagong ideya mula rito. Sa pagsasagawa ng pamimilosopiya, nagkakaroon tayo ng pokus sa ating layunin na makatuklas. Isinasaisip natin ang bawat galaw o hakbang na ating gagawin para maging maayos ang kalalabasan nito. Dahil tulad ng paglalaro ng chess, ang isang maling hakbang ay maaaring magdulot ng kaguluhan o kalituhan. Kaya dapat magakaroon ka ng maayos at konkretong estratehiya. Sa pamamagitan nito makasisigurado tayo na magkakaroon ng kapakipakinabang na bunga ang ating pagtuklas.

Tulad din ng chess, natututunan natin na maging responsable sa ating mga aksyon at desisyon. Kaakibat ng pamimilosopiya ang malaking responsibilidad, dapat ay handa ka sa kung ano man ang maging resulta ng iyong natuklasan o naisaisip. Parte ito ng ating katangian bilang isang nilalalang na may hangaring matuto. At syempre hindi naman lahat ng pagtuklas ay nagbubungga ng maganda, may mga pagkakataon na hindi natin nakakamit ang layunin natin. Kaya naman tulad sa paglalaro ng chess, manalo o matalo, dapat ay tanggapin natin ito ng buo at may galak sa ating puso. 

Sa pamimilosopiya, maganda rin na magkaroon tayo ng kasama sa pagtuklas, parang sa paglalaro ng chess. Isa ito sa magandang naidudulot ng pamimilosopiya, napagbubuklod-buklod nito ang mga tao, ano man ang pagkakaiba pagdating sa katangian o pinagmulan. Nakabubuo ito ng matibay na relasyon sa pagitan ng iba’t ibang indibidwal. Malaki ang nadudulot nito dahil nagkakaroon ng palitan ng ideya at suhestiyon sa pagitan ng namimilosopiya. Mas nabibigyan ng malalim na pagkaunawa ang bagay na inyong tinutuklas. 

Sa kabuuan, ang paglalaro ng chess ay tunay na maihahalintulad natin sa proseso ng pamimilosopiya. Maraming mga bagay na dapat na ikonsidera, ngunit ang layunin ay mas mapalago pa ang ating kaalaman at makatuklas ng iba pa. Kailangan lang na magkaroon ng buong loob at determinasyon na matuto, dahil para saan pa ito kung hindi naman bukas ang iyong isipan sa iba pang mga bagay? Kaya naman, halina’t magpatuloy sa pagtuklas at pamimilosopiya. Ipagpatuloy ang paghakbang, para ang kaalaman natin ay ating malinang. 

Bawat Hakbang, Kaakibat ay Paglinang ni Shaira Grace M. Rodriguez

RECENT POSTS