Mga Bituin sa Watawat ng Lupang Hinirang

Mga Bituin sa Watawat ng Lupang Hinirang

ni Rey David T. Enriquez (2016)

 “Bayang magiliw perlas ng silanganan alab ng puso sa dibdib mo’y buhay…” Ako ay kasalukuyang nasa elementary nang una kong matutunan ang awitin na ito. Noon nga ay di ko ito masyadong pinapahalagahan sapagkat ang nasa isip ko noon ay parte lang naman ito ng flag ceremony at hindi naman ako babagsak sa subject namin pag hindi ko ito kinanta. Subalit dumating ang araw ng pagkatuto at naliwanagan ako sa mga istorya ng nakaraan ng ating bansa. Mula sa pananakop ng mga Kastila, Hapones at Amerikano, dito ko nakilala ang ilan sa mga kahanga-hangang bayani na nag-alay ng buhay para sa ating lupang hinirang at sumisimbulo sa bawat imahe na aking nakikita sa bawat pagwagay-way ng watawat ng Pilipinas.

 “Lupang hinirang duyan ka ng magiting sa manlulupig di ka pasisiil. Sa dagat at bundok sa simoy at sa langit mong bughaw…” Isa sa mga laging ikinukwento sa akin dati ng aking lola ang kanyang paboritong bayani sa kaysaysayan. Naging inspirasyon daw niya iyon sa pag-aalaga sa kanyang pamilya sa kabila ng kahirapan ng buhay. Ang ina ng Katipunan, Melchora Aquino o mas kilala sa tawag na “Tandang Sora” Isang matandang babae na isinakripisyo ang buhay kapalit ng kalayaan ng bayan. Ngunit sino nga ba siya? Sya ay ipinanganak sa isang mahirap na pamilya. Siya ay maagang na byuda at naiwan sa kanya ang kanyang anim na anak. Ang kanyang kabutihan at kagandahan ng loob na tumulong sa kahit na sino ang nag-udyok sa kanya para tulungan at makiisa sa mga katipunero sa paglaban para sa kalayaan ng bayan.

Melchora Aquino

 Sa aking pananaliksik ukol sa kanya, isang araw ay pumunta si Andres Bonifacio sa kanyang tahanan upang manghingi ng tulong. Dahil sa kanyang taglay na kabutihan, binigyan niya sila Andres Bonifacio ng halos daan-daang kaban ng bigas, sampung kalabaw at lahat ng kagamitan na kinakailangan para sa kilusan nila Andres Bonifacio. Siya mismo ang nagpresinta na maging kaisa sa mga rebolusyonaryo at sinimulan niya ito sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng kilusan. Walang takot niyang ginagawa ang pag-aalaga sa mga nasusugatan na katipunero kahit na alam niyang nakasalalay ang kanyang buhay kapag nalaman ng mga Español ang ginagawa niya. Siya ay nadakip at ikinulong sa preso subalit hindi ito ang nakapagpapigil sa kanya sa pagtulong sa mga Katipunero at dahil sa kanyang katandaan, sa loob ng anim na taon, siya ay ipinadala sa guam at pinalaya mula sa pagkakabilanggo sa edad na 91.

 Para sa akin, si Tandang Sora ay isang bayani dahil sa kanyang hindi matawarang ibinahagi sa ating bayan lalo noong panahon ng rebulusyon ng Pilipnas. Siya ay sumisimbolo sa kahalagahan ng kababaihan sa ating lipunan lalo na noong panahon ng rebolusyon. Siya ay nagpakita ng kakaibang katapangan na naging sanhi ng pagtaas ng tingin ng mga tao sa mga kababaihan. Kung kaya, ang mga babaing naging bayani ay nararapat na bigyan ng parehas na parangal kagaya sa mga nakaugaliang bayani.

 “May dilag ang tula at awit sa paglayang minamahal.” Isa sa hindi ko nakalilimutang pangalan ang pangalan ni Marcelo H. Del Pilar. Hindi ko akalain na ang binabasa ko dati na dasal na inaakala ko na gawa ng mga hindi naniniwala sa Diyos dahil naglalaman ito ng pambabastos sa dasal ng Simbahan ay si Del Pilar mismo ang may likha. Nagulat ako nang malaman ko ang mga panalangin palang ito ay makahulugan sa kasaysayan at naging daan ng kalayaan.

Mardelo Del Pilar

 Si Marcelo Del Pilar ay isa sa mga pinakakilalang makata sa panahon ng kastila. Ang kalipuann ng kanyang mga tula ay nailimbag sa Dasalan at Tocsohan na sumulat sa kanayang pen-name na Plaridel. Ginamit ni Del Pilar ang tulang pasyon bilang daan sa pagproprotesta sa pamamagitan ng parodya. Ginamit niya ito laban sa mga prayle bago pa man siya naging patnugot ng La Solidaridad. Ang mga sulatin ni Plaridel ay parang batong tumama sa kaayusang pinaiiral ng mga prayle sa kanilang aroganteng pagtingin ng soberanya. Si Plaridel din ang isa sa mga kasamahan ni Rizal na sumulat ng La Solidaridad para sa kalayaan ng bayan. Ginamit niya ng Pluma at tinta sa pakikidigma para makamtan natin ang kalayaan. 

 “Ang kislap ng watawat mo’y tagumpay na nagniningnning. Ang bituin at araw na kaylan pa ma’y di mag didilim.” Si Antonio Luna ang isa sa mga napili kong bayani na sa aking palagay ay nararapat upang bigyan ng parangal katulad ng kay Rizal. Ako ay nasa kolehiyo na nang malaman ko ang istorya ni General Antonio Luna sapagkat ang laging tinuturo sa amin sa eskwela noong ako ay nasa sekundarya ay ang kanyang kapatid na pintor, si Juan Luna. Tumatak sa aking isipan ang karakter na pinakita ni Antonio Luna bukod sa pagiging matalino, may paninindigan din siyang ipaglaban ang karapatang magbigay ng opinyon sa mga isyung politikal sa bansa. Isa sa ginawa ni Antonio Luna nang sulatin niya sa La Solidaridad ang mga obserbasyong kuro-kuro laban sa mga Amerikano. Hinamon ni Antonio ng espadahan ang isa sa mga nakatataas na opisyal ng Amerika subalit sa takot ng mga Español ay hindi natuloy ang duwelo.  Siya ay nag-aral ng kursong pandigmaang nagbibigay din sa estratehiyang pangmilitar.

Antonio Luna

 Noong pinagbintangan siya na kabilang sa mga rebulusyonaryo, naisip ni Antonio na gawing totoo ang pagbibintang sa kanya. Noong nagkaroon ng giyera sa Pilipinas dahil sa pananakop ng Amerika, lalong pinagbuti ni Antonio Luna ang pagiging propagandista nang itatag niya ang La Independencia. Itinalaga siya ni Heneral Aguinaldo bilang Direktor ng Digmaan. Itinatag ni Antonio ang isang “Academia Militar” na nagsasanay sa mga opisyal ng rebulusyon upang lalong maging mahusay na lider. Marami ang natututo sa pagdidisiplinang ibinahagi ni Antonio subalit marami rin ang nagbalat-sibuyas na nagsumbong kay Aguinaldo tungkol sa pagdidisiplinang ito. Ayon kay Gen. Antonio Luna, ang mga taong hindi na makatiis sa hirap ay dapat nang umalis.

 Para sa akin, isang dahilan kung bakit siya ay nararapat na hirangin bilang isang bayani ay ang katapatan ni Antonio Luna sa trabahong iniaatang sa kanya. Maraming malalaking labanan ang pinamunuan niya. Ayon sa aking mga nabasa ukol kay Antonio Luna, siya ay namuno sa mga sundalo upang iligaw ang mga Amerikano at mapaalis ng ating bansa. Hinaharap niya ang mga kalaban at nakikipagsabayan siya sa digmaan. Iba’t-ibang istratehiya ang ginamit ni Antonio Luna sa pakikidigma na lubos na nakatulong sa pakikipag laban sa mga Amerikano na nagpapakita ng kanyang kagalingan at dedikasyon sa pagpapasakatuparan ng kalayaan ng Pilipinas.

 “Lupa ng araw ng l’walhati’t pagsinta buhay ay langit sa piling mo. Aming ligaya ng pag may nang aapi ang mamatay ng dahil sa’yo.” Ang pagiging bayani ay hindi naididikta ng kahit na sino at hindi naisusukat sa edad o kasarian. Ito ay iginagawad sa mga tao na ibinigay ang sarili para paglingkuran ang bayan o ang taumbayan. Ito ay karaniwang iginagawad sa mga taong may angking, kasipagan, kagalingan, katapatan, pagmamalasakit sa kapwa at pagkakaroon ng pag-ibig sa Diyos. Marami tayong maituturing na bayani sa tala ng kasaysayan. Mga taong nag-alay ng buhay para sa kalayaan ng bansa laban sa pananakop ng mga Kastila, Hapon, at Amerikano. Hindi lamang si Rizal ang dapat nating tingalain at hangaan sapagkat hindi lamang siya ang nag-alay ng buhay para sa bayan. Bago pa man maganap ang pagpapakabayani ni Rizal ay may mga tao na nag-alay ng buhay para sa ikabubuti ng bayan. Muli nating balikan ang ating kasaysayan at muli nating alamin ang kabayanihan na dinulot ng ating mga kababayang noo’y ordinaryong tao lamang subalit ngayon ay nakasulat na ang kanilang pangalan sa tala ng kasaysayan. Tinitingala, hinahangaan at inaalala sa bawat paghatak ng lubid, pagwagayway ng watawat at pagkanta ng Lupang Hinirang.


Lupang Hinirang


Read Full Cases



RECENT POSTS ABOUT INTERNATIONAL LAW